Ito ang sina-unang artikulo ko sa wikang Pilipino. Ginagawa ko ito upang mapatunayan sa sarili ko na kaya ko at hindi ako isa sa libo-libo sa atin na nawawalan na ng damdaming makabansa. Ipinagmamalaki ko ang ka-ugatan ng aking mga ninuno at ang Wikang Pambansa.
Nakikiusap ako sa mga mambabasa nito na huwag akong pintasan! Nahihirapan ako ng kaunti dahil bawat salitang minamakinilya ko ay pumupula. Hindi ito kinikilala ng diksiyonaryong Ingles sa kompyuter ko.
Maitatanong mo sa akin kung bakit pumasok ito sa isipan ko. Ang sagot ay hindi dahil kasali ako sa mga pangyayari no’ng ika-16 at 17 ng Disyembre. Hindi ‘yon ang nakamulat sa mas-malalim na pagmamahal ko sa aking pagiging Pilipino, kun’di ang muling pagiging aktibo ko sa gawaing hangad sa kapayapaan kasama ang Inisyatibo ng mga Nagkakaisang Pananampalataya (URI o United Religions Initiative sa Ingles).
Mahigit tatlong taon na ako sa organisasyong ito. Pumasok ako noong 2007 nang ma-ingganyo matapos sumali sa isa sa kanilang mga panayam na tinawag na Adhikain ng Kapayapaan sa Pagitan ng Nagkakaibang Pananampalataya (VPAR o Visions of Peace Among Religions sa Ingles). Tatlo sa amin do’n ay tumungong makapagtayo ng isang samahan ng mga kabataang Boholano mula sa iba’t ibang mga relihiyon. Di nagtagal ay itinayo ang tinawag naming TULAY kasama ang iilang nadagdag na mga kasapi. Ang ibig sabihin nito kung isalin sa wika natin ay mangangahulugang “Pagtitiwala, Pag-uunawaan, at Pagkakatuto sa Pagitan ng mga Kabataan” (Trust, Understanding, and Learning Among Youth sa Ingles). Nagsimula kami na labindalawa lamang sa grupo at ang pangunahing layunin namin bukod sa pagpapalaganap ng iminumungkahi ng pangalan ng organisasyon ay ang pagligtas ng kaligiran.
________________________________________
Dalawang taon ang lupimas nang humiwalay ako sa ama ko. Bunga nito ay natuklap din ako mula sa URI. Naging tahimik ako at nabuhay na may pagsasarili sa Cebu. No’ng mga taong ‘yon, pinanatiling Buhay ang TULAY sa pamamagitan ng pagsisikap ng pinsan kong si Kristine. Pinanguluhan n’ya ang kanilang mga gawain at sinigurong maapoy ang kaluluwa ng adhikain.
Noong Oktubre, bumalik ang alibughang anak sa kanyang ama. Hangarin ko sa oras ng pagbalik ay maging aktibo muli sa URI at buhayin muli ang organisasyon ng aking ama na tawagi’y Mga Boluntaryo ng Kagandahang-Loob sa Bohol (BGV o Bohol Goodwill Volunteers sa Ingles).
Ang mga detalye ng kung bakit inilipat ko ang atensyon ko mula sa TULAY patungong BGV ay mahaba at ipapaliwanag ko sa ibang artikulo na.
Ilang linggo ang nakalipas at pinadala ako sa Quezon City para sumali sa ika-anim na panrehiyong kapulungan sa URI sa Timog-Silangang Asya at sa Pasipiko kung saan ay nakilala ko ang ibat ibang mga pinuno ng mga magkahambing na mga organisasyon. Iyon ang tiyak na simula ng pagmumulat ng malalim na pagmamahal ko ng kulturang Pilipino. Bawat isa sa mga kasabwat mula sa ibang mga bansa ay duminig sa bawat araw ng pulong suot ang kanilang mga pambansang pananamit. Namasdan ko rin na ang aking mga damit ay may mabibigat na katangìáng pang-kanluran at walang tanda ng aking pagiging Pilipino. Ikinalungkot ko na ang mga hinirang kong damit para sa okasyong ‘yon ay hindi gawang Pinoy at hindi kumatawan sa lahi ko.
Nagkaroon ako ng malaking katuwiran para baguhin ang ilan sa mga paningin at ugali ko sa buhay.
Simula no’n, bukod sa pagpapalaganap ng kapayapaan, naidagdag sa mga hangarin ko ang pagpapalaganap ng Pilipinong pagkakakilanlan sa mga kabataan sa halip na pumanig sa banyagang mga kaugalian at kabihasnán, kaya noong ika-16 at 17 ng Disyembre, sumuporta ang BGV bilang isa sa mga tagapanagot sa sina-unang Pambansang Kapulungan Ng Mga Kinatawang Kabataan Hinggil Sa Mabuting Pagkamámamayan (National Youth Congress on Good Citizenship sa Ingles).
Sumali din ako bilang isang kasabwat at kinagitlan ko ang galing ng ilan sa kanila sa pagsasalita ng wikang Pilipino nang walang pagkakautal ni isang beses. Sabi ko sa sarili ko, “kung magagawa ko ang magsalita gamit ang wikang Ingles sa ganyang klaseng antas ng pagbatid at isinaalang-alang na ito ay dayuhang wika, dapat magagawa ko rin ‘yon gamit ang Tagalog at Bisaya.”
Nagsimula ako sa Tagalog at susunod nito ay Bisaya naman.